Senado, Kamara ipina-subpoena na si Pastor Quiboloy

Facebook photo shows evangelist Apollo Quiboloy waving from his Cessna Citation Sovereign jet, which landed at his compound in Davao City on March 19, 2018.
File

MANILA, Philippines — Para maobligang humarap sa pagdinig tungkol sa mga reklamo ng pang-aabuso ng ilang mga mi­yembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaya ipina-subpoena na ng Senado si Pastor Apollo Quiboloy.

Nilagdaan kahapon ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena ng Senate Committee on Women, Children, Fa­mily Relations and Gender Equality.

Matatandaang sa dalawang nakaraang pagdinig ng komite ay hindi duma­lo si Quiboloy at tanging abogado lamang nito ang pinaharap sa Senado.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, kailangang si Quiboloy mismo ang humarap sa imbestigasyon ng komite para sagutin nito ang mga personal na alegasyon tulad ng human-trafficking, sexual exploitation at iba pang pang-aabuso mula sa mga kamay ng pastor.

Nag-isyu na rin kahapon ng subpoena ang panel ng Kamara laban kay Quiboloy para dumalo sa pagdinig kaugnay ng paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

 Ito’y kaugnay ng patuloy na pang-iisnab ni Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises kaugnay ng isyu sa paglabag sa prangkisa ng SMNI.

 Si Quiboloy, nahaharap din sa kasong sex trafficking sa Estados Unidos ang itinuturong hono­rary Chairman ng SMNI na nago-operate umano sa ilalim ng Swara Sug Media Corporation.

Si Quiboloy ay pinadadalo sa itinakdang pagdinig ng komite sa dara­ting na Marso 12, 2024 dakong ala-1 ng hapon sa Conferences 7 & 8 sa Ramon Mitra Building ng Batasang Pambansa.

Nangangahulugan ang contempt na makakalaboso sa detention facility ng Kamara si Quiboloy kapag nabigo itong dumalo sa pagdinig na depende pa kung ilang araw ang itatagal base sa magiging mosyon na aaprubahan ng mga mambabatas na mi­yembro ng panel.

Show comments