MANILA, Philippines — Sa gitna umano ng mga pag-atakeng ginagawa ng mga senador ay bumuhos ang suporta ng mga kongresista sa Metro Manila at local na pamahalaan ng Surigao del Norte kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ipinagtanggol ng 30 kongresista mula sa 14 na lungsod ng Metro Manila si Speaker Romualdez laban sa walang basehang alegasyon ng mga senador kaugnay sa isinusulong na pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng Konstitusyon na naglalayong paramihan ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Isang “Statement of Solidarity” ang kanilang nilagdaan upang igiit din ang kahalagahan na itaguyod ang karapatang nakasaad sa Konstitusyon.
Kinilala rin ng mga kongresista ang mga ginawa ni Speaker Romualdez upang itaguyod ang kapakanan ng bansa at sa pagharap sa mga hamon upang mapangalagaan ang mga Pilipino.
Lumagda sa pahayag sina Caloocan Reps. Oscar Malapitan, Mary Mitzi Cajayon-Uy at Dean Asistio; Makati Reps. Romulo “Kid” Pena Jr. at Luis Campos Jr.; Navotas Rep. Toby Tiangco; Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II; Pasay City Rep. Antonino Calixto; Manila Reps. Ernesto Dionisio Jr., Rep. Rolando Valeriano, Rep. Joel Chua, Edward Vera Perez Maceda, Rep. Irwin Tieng at Rep. Bienvenido Abante.
Gayundin sina Quezon City Reps. Juan Carlos “Arjo” Atayde, Rep. Ralph Wendel Tulfo, Rep. Franz Pumaren, Rep. Marvin Rillo, Patrick Michael “PM” Vargas, at Rep. Ma. Victoria Co-Pilar; Taguig-Pateros Reps. Ricardo Cruz Jr. at Amparo Maria Zamora; San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora; Pasig Rep Roman Romulo; Marikina Reps. Marjorie Anne Teodoro, at Stella Luz Quimbo; Parañaque Reps. Edwin Olivarez at Gus Tambunting at Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi.
Nagpahayag din ng suporta ang 25 lider ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Surigao del Norte kay Romualdez.