Death toll sa Davao de Oro landslide, pumalo na sa 96
MANILA, Philippines — Lalo pang tumaas ang death toll sa landslide sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro matapos na makahukay ng apat pang bangkay sa nasabing lugar.
Mula sa 92 na bilang ng mga nasawi kamakalawa, umakyat ito sa 96, base sa tala ng pamahalaang lokal nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa Facebook post ng mga opisyal ng Maco, kabilang din sa mga narekober sa lugar ng landslide ay mga parte ng katawan ng tao.
Sa kasalukuyan, ay nasa 18 pang residente ng Brgy. Masara ang patuloy na pinaghahanap matapos na lamunin ng lupa.
Samantala, ang mga lider ng iba’t ibang relihiyon sa lugar kasama ang mga grupo ng mga katutubo ay nagtungo sa “ground zero” at nag-alay ng panalangin sa mga pinaghahanap pang biktima sa landslide.
Ang tropa naman ng militar na nagsasagawa ng search at retrieval operations sa nasabing lugar ay gumamit na ng mga K9 dogs para sa mabilis ang pagtukoy sa mga biktimang natabunan ng gumuhong lupa.
Nitong Pebrero 14 sa bisa ng Executive Order (EO) 15 na nilagdaan ni Municipal Mayor Ferdinand Dobli mula sa search and rescue operations ay ginawa na itong search and retrieval operations base sa rekomendasyon ng Mines and Geosciences Bureau ng Davao.
- Latest