Puganteng ex-Army ng Taiwan, arestado

MANILA, Philippines — Arestado ang isang da­ting sundalo ng Taiwan Army na nahaharap sa mga kasong katiwalian sa kaniyang bansa,sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan sa Cebu City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang ina­resto na si Li Chen Yu, 36-anyos, Taiwanese national.     

Dinakip si Li ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit at PNP-Cri­minal Investigation and Detection Group (CIDG) sa may Brgy. Banilad, Cebu City nitong nakaraang Huwebes.

Sa bisa ng Warrant of Deportation, inaresto si Li sa kanyang pinagtataguan sa isang lugar Cebu City.  Inilagay na rin siya sa blacklist ng bansa.

Ayon sa Taiwan Economic and Cultural Office (TECO) sa Manila, may warrant of arrest ang suspek mula sa Taoyuan District Prosecutor’s Office sa Taiwan dahil sa kaso ng korapsyon.

Noong dating kapitan sa military dependent service division ng Taiwan 6th Army Command, inabuso umano ni Li ang kanyang posisyon nang pekehin nito ang mga lease contracts ng mga lupain na nakareserba sa mga dependents ng mga sundalo.

Ibinulsa umano ni Li ang mga upa at deposito sa mga pinauupahang lupain na aabot sa 4 milyong Taiwanese dollars o katumbas na US$128,000.

Sa rekord ng BI, dumating sa Pilipinas si Li para magtago noong Marso 8, 2020 at isa nang overstaying alien.

Show comments