Trahedya sa Ash Wednesday at Valentine’s Day
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang Ash Wednesday mass at pagdiriwang ng Valentine’s Day sa isang simbahan matapos gumuho ang ikalawang palapag nito sa kasagsagan ng paglalagay ng abo sa noo ng mga dumalo sa misa na ikinasawi ng isang senior citizen at ikinasugat ng 52 iba pa sa San Jose del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni City Mayor Arthur Robes ang nasawi na kinilalang si Luneta Morales, 80 -nyos, habang dinala ang mga sugatang biktima sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Tala Hospital, Brigino General Hospital, Skyline Hospital, Labrpo Diagnostic Center at Grace General Hospital.
Base sa report ng SJDM Police, naganap ang trahedya dakong alas-7:20 ng umaga sa kalagitnaan ng misa para sa Ash Wednesday sa St. Peter Apostle Parish Church sa Brgy. Tungkong Mangga ng nasabing lungsod.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management-Sidewalk Clearing Operations Group, at City Health Office,
Ayon kay Gina Ayson, hepe ng CDRRMO, bumigay ang ikalawang palapag ng simbahan dahil sa pagdagsa ng mga tao na nagpapapahid ng abo sa Ash Wednesday.
May kalumaan at gawa umano sa kahoy ang ikalawang palapag ng simbahan kaya hindi na kinaya ang dami ng mga nagsisimba hanggang sa gumuho.