Kamara itutulak ang mas malaking sagutin sa bill at doctors’ fees ng PhilHealth sa private admission
MANILA, Philippines — Ngayong araw ay pupulungin ni House Speaker Martin Romualdez ang mga opisyal ng PhilHealth at Department of Health (DOH) upang pag-usapan ang mga paraan kung papaano palawakin pa ang mga members benefits kabilang ang pagbayad sa mga doctor kapag private ang admission at hindi libre.
“Marami ang nagtatanong sa atin kung pwedeng dagdagan ang sasagutin ng PhilHealth sa billing at doctor’s fees kapag private ang kinuha na kwarto o sa pay ward,” wika ni Speaker Romualdez.
Reklamo ng mga pasyente, halos 15 to 20 percent lang ang sinasagot ng PhilHealth sa hospital bill kung ang pasyente ay na-admit sa private ward.
Ang professional fee naman ay 30 porsiyento lamang umano ang binabayaran ng ahensya.
Hiling ng mga tao na kalahati ng bill nila sana kapag na-admit sa private ay sagutin ng PhilHealth para kalahati na lang ang bayaran ng miyembro.
Sinang-ayunan ito ni Dr. Jose Degrano, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) at isang malaking tulong ang naiisip ni Romualdez sa mga tao dahil karamihan ng naa-admit sa ospital ay nasa pay ward kahit mahirap dahil madaling maubos ang hospital beds sa charity ward.
“Mabigat din para sa kanila ang doctors’ fees dahil 20 percent lang ang sinasagot ng PhilHealth,” dagdag pa ng lider ng PHAP.
“Maghahanap tayo ng solusyon kung papaano magawan na paraan itong kahilingan ng taumbayan na hindi na dadaan sa paggawa pa ng batas dahil medyo matagal ito,” paliwanag ni Romualdez.
- Latest