MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang pagsisimba sana sa Manaoag ng isang magkakamag-anak nang pumutok ang sinasakyan nilang van sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) na ikinasawi ng tatlo at pagkasugat ng 14, naganap nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat, nangyari ang insidente alas-9:00 ng umaga nitong Sabado habang binabagtas ng van ang kahabaan ng TPLEX sa Tomana West, Rosales, Pangasinan.
Nang pumutok ang gulong ng van ay sumadsad ito sa barrier ng expressway at nagpaikut-ikot dahilan ng pagkasawi ng 76-anyos na babae at dalawang lalaki na may edad 30 at 32.
Nasugatan ang 14 na pasahero ng van kabilang na ang drayber nito na dinala sa Urdaneta City District Hospital.
“Ang tantiya ko du’n, overload po. Kasi ‘yung gulong ng… ano nu’n eh 14-15. Eh ang sakay niya is 17. Siyempre long distance, hindi nakayanan ng gulong… pumutok,” pahayag ni PCMS Marlon Pala, Investigator, Rosales Police.
Ngunit ayon sa isa sa mga sakay, limang beses na nagpagulong-gulong sa kalsada ang van. Maayos naman ang takbo ng sasakyan noong umpisa, hanggang sa bigla na lamang pumutok ang gulong nito.
Hindi rin inasahan ng mga sakay na papalya ang gulong dahil bagong bili ito. Nakatakda rin sanang ipa-bless sa simbahan ang van. Lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa Caloocan ang magkakamag-anak at patungo sana sa Manaoag para magsimba nang maganap ang aksidente.