Crime rate bumaba, love scams tumaas — PNP

MANILA, Philippines — “Bumaba ang crime rate sa bansa.”

Ito ang ibinida ni Phili­ppine National Police (PNP) chief Benjamin Acorda Jr., sa pulong balitaan sa Malacañang.

Anya, nasa 10% ang ibinaba ng bilang ng krimen noong Hunyo 2022 hanggang Enero 2024 kumpara noong Dis­yembre 2020 hanggang Hunyo 2022.

Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong tutukan ang illegal na droga, loose firearms, e-sabong, illegal gambling websites at communist terror group.

Nilinaw naman ni Acorda na kahit bumaba na ang bilang ng crime rate ay tumaas naman ang kaso ng cybercrime at love scams.

Nangunguna umano sa kaso ng cybercrime ang swindling o estafa na may 15,000 na kaso, illegal access na may 4,000 kaso, identity theft, online libel at card fraud na may tig 2,000 kaso.

Inaasahan din na tataas pa ang kaso ng love scams lalo na at malapit na ang Valentine’s Day o Araw ng mga Puso sa Pebrero 14 na kung saan ang mga nabibiktima ay ang mga malulungkot at nag-iisa.

Binalaan ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos ang publiko na mag-ingat sa mga love scams dahil maaari nilang samantalahin ang mga nalulungkot at nag­hahanap ng kasama.

Show comments