MANILA, Philippines — Nakuha ng Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga gumagamit ng internet na nanonood ng mga online video content sa buong mundo, ayon sa Digital 2024 Global Overview Report.
Batay sa ulat na pinagsama-sama ng creative agency na “We Are Social” kasama ang media intelligence company na “Meltwater”, nasa humigit-kumulang 97.2% ng mga Pilipinong nasa edad 16 hanggang 64 na taong gulang ang nanonood ng anumang uri ng video bawat linggo.
Ito’y batay sa mga natuklasan ng isang survey na isinagawa ng isang audience research company na GWI noong ikatlong quarter ng 2023, ayon sa ulat ng “We Are Social” at “Meltwater”.
Ang Pilipinas ay sinundan ng mga sumusunod na bansa na may pinakamataas ding porsyento ng mga online video watchers: Mexico – 97.0%; South Africa – 97.0%; Indonesia – 96.9%; Ghana – 96.8%; Brazil – 96.4%; Colombia – 96.3%; Morocco – 96.2%; Turkey – 96.2%; UAE – 96.2%.
Pumangatlo naman ang Pilipinas para sa pang-araw-araw na oras na ginugugol sa paggamit ng internet na may 8 oras at 52 minuto, kasunod lang ng South Africa na may 9 na oras at 24 minuto at Brazil na may 9 na oras at 13 minuto.
Ayon pa sa ulat, ang YouTube, TikTok, Netflix, Hotstar, at MX Player ay ang pinakaginagamit na video-centric na entertainment app sa mga mobile phone sa buong mundo.
Ang nakalap na datos ay mula Setyembre-Nobyembre 2023 mula sa Data AI Intelligence.
Saad pa sa ulat ng Digital 2024, ang mga gumagamit ng media ay lumampas na sa 5 bilyong marka, na may taunang paglago ng gumagamit sa itaas pa rin ng 5%. Gayunpaman, ang pangkalahatang digital na paglago ay bumagal sa mga nakaraang taon.