MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Senador Raffy Tulfo sa mga may-ari ng peryahan na ipagbawal na ang color game at iba pang uri ng sugal para hindi makotongan ng mga pulis.
Sa pagdinig sa Senado, binigyang diin ng senador na kaya kinokotongan ang mga peryahan ay dahil sa marami silang iligal na gawain, partikular ang sugal na color game.
“Kayong mga nasa peryahan, kaya kayo kinokotongan gumawa din kayo ng iligal. Kasi kung legal kayo, kung patas kayo, di kayo kukutongan ng mga pulis,” pahayag ni Tulfo.
Sabi pa ng senador, may mga video pa siya kung saan kahit ang mga bata ay tumataya sa color game.
Sabi pa ni Tulfo, dadagsain pa rin naman ang mga peryahan dahil sa iba’t ibang palabas tulad ng mga nagta-tumbling, kumakain ng bote o sword, mga taong mukhang kabayo, target shooting ng mga bote at iba pa.