MANILA, Philippines — Nakabantay at tutulong ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa cyberspace ng bansa.
Ito ang tiniyak ni PNP ACG Director, PMGen. Sydney Hernia kasunod ng impormasyon mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na tinangkang i-hack ang mga website ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan.
Sinabi ni Hernia na malaking hamon na mapanagot ang mga nasa likod ng hacking.
Nagsasagawa na aniya ng monitoring at imbestigasyon ang PNP-ACG sa ilang mga grupo na posibleng pag-atake ng mga gov’t agencies.
Giit ni Hernia, mahalaga na mapigilan ang ilang indibidwal sa kanilang masamang gawain.
Magugunitang sa ulat ng DICT, napigilan nito ang tangkang pag-atake ng China UNICOM na isang state owned Communications Group sa mga website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, DOJ, OWWA maging ng mismong DICT.