MANILA, Philippines — Lubos ang pasasalamat ng 113 state universities and colleges (SUC) kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa inilaang P128.1 bilyong budget sa kanila ngayong 2024, na mas mataas ng P27.3 bilyon kumpara sa kanilang panukalang budget.
“I would like to express our deepest gratitude once again for your crucial role in securing additional funding support for SUCs in the 2024 General Appropriation Act,” ani Dr. Tirso Ronquillo, pangulo ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).
Sa dalawang pahinang sulat na may petsang Enero 10 na ipinadala sa tanggapan ni Speaker Romualdez, nagpasalamat din si Ronquillo, na siya ring pangulo ng Batangas State University sa Kamara de Representantes sa paglalagak ng “unprogrammed funds” na magagamit para sa kakulangan sa free higher education (FHE) noong school year 2022 at 2023.
“We stand united with the Honorable Speaker in his unwavering commitment to prudent allocation of government resources. Your legislative support shall empower the 113 SUCs to deliver meaningful services to the country and its people,” saad pa ni Ronquillo.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa PASUC na prayoridad na mapondohan ang mga paaralang pinatatakbo ng gobyerno.
Ayon kay Ronquillo, kasama sa matutulungan ng dagdag na P27.3 bilyon ang 1.85 milyong estudyante na nag-aaral sa iba’t ibang SUC sa bansa, 72,000 faculty at staff, at 50,000 job orders at contract of service workers.