MANILA, Philippines — Nadiskubre ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mula sa teritoryo ng China ang mga hackers na nagtangkang mang-hack sa website ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kamakailan.
Ito ang sinabi ni DICT Undersecretary for Cybersecurity Jeff Ian Dy, nang ito ay kanilang natuklasan matapos nilang mapigilan at imbestigahan ang isang cyber attack na ang layunin ay burahin ang OWWA website.
Mabuti na lamang at nakapagsagawa ng counter attack ang DICT at nagawa nitong depensahan ang iba’t ibang web applications na may kinalaman sa OWWA mula sa naturang cyberattacks kaya’t hindi nagtagumpay ang mga hackers.
Nagawa rin aniyang tuntunin ng DICT ang command at control center ng cyberattackers na nag-o-operate mula sa loob ng China.
Ani Dy, natunton nila ang IP address ng attackers na nagmula sa China Unicom, o China United Network Communications Group na isang Chinese state-owned telecommunications company, kaya’t plano nilang makipag-ugnayan dito.
Kaagad namang nilinaw ni Dy na ang Chinese government ay maaaring walang direktang kinalaman sa cyberattack at ang maaari lamang nilang masabi ay nanggaling ang operasyon sa loob ng Chinese territory.
Matatandaang noong nakaraang taon, ilang website ng pamahalaan ang nabiktima rin ng cyberattacks, kabilang dito ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), at Department of Science and Technology (DOST).