Misis, pinatay ng mister na pulis!
MANILA, Philippines — Bulagta ang isang misis matapos pagbabarilin ng kanyang sariling mister na pulis sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Zamboanga City Police Office, kinilala ang biktima na si Fredellen Ocariza, residente sa nasabing barangay.
Matapos ang ilang oras nang isagawa ang pagpatay sa sariling asawa, sumuko sa mga awtoridad ang suspek na Police Chief Master Sgt. Julius Santillan Ocariza.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa loob ng isang bahay sa Block 3, Armor Village sa Barangay San Jose Gusu na labis na ikinagulat ng mga residenteng nakatira sa lugar.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang kanyang asawa na bumulagta sa lugar.
Madalas diumanong mag-away at saktan ng pulis ang kanyang misis at nitong huli ay nauwi na ito sa malagim na kamatayan ng ginang sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Agad namang tumakas ang suspek subalit kalaunan ay sumuko rin ang suspek sa Curuan Police Station 2 na sakop ng Zamboanga CPO nang mabatid na nagkasa ng manhunt operation laban sa kanya.
- Latest