Palarong Pambansa idaraos sa Cebu City
MANILA, Philippines — Pumirma ang Department of Education (DepEd) at ang lokal na pamahalaan ng Cebu City ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para matiyak ang intensibong preparasyon sa pagdaraos ng Palarong Pambansa 2024.
Sinabi ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na ang natatanging karakter at hospitalidad ng Cebu City ang magiging susi para maging tagumpay ang darating na Palaro at hindi makakalimutan ng mga student-atheletes.
Sa pagpirma ng MOA, pormal na tinukoy na ng DepEd ang Cebu City bilang host ng Palaro ngayong taon. Pinangunahan ang lokal na pamahalaan ni Cebu City Mayor Michael L. Rama.
Ito ang magiging ikatlong pagkakataon na maging host ng Palaro ang Cebu City makaraang ganapin ito noong 1954 at 1994.
“Matagal na naming hinihintay ito sa loob ng 30 taon. Katunayan, itinayo ang Cebu City Sports Center may 30 taon na ang nakalipas, para lamang maging host ng Palarong Pambansa sa Cebu City,” ayon kay Cebu City Sports Commission Chairman John Pages.
Tiniyak din ni Pages na matatapos ang lahat ng mga itinatayo at kinukumpuni na mga sports facilities sa siyudad bago ganapin ang Palaro.
Sa ilalim ng kasunduan, titiyakin ng DepEd ang seguridad, transportasyon, komunikasyon at iba pang pangangailangan sa mga events.
- Latest