MANILA, Philippines — Hindi nakasama sa drug watchlist si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. taliwas sa naging pagbubunyag at pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tiniyak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil nang itinatag ang National Drug Information System (NDIS) taong 2002 ay hindi nakasama ang pangalan ng Pangulong Marcos.
“Ang NDIS ay ang intelligence database ng lahat ng drug personality, na nangangalap ng mga input mula sa mga katapat sa parehong tagapagpatupad ng batas at intelligence agencies,” anang PDEA.
Sa katunayan anang PDEA, wala ang pangalan ni Marcos sa narco list na inilabas ng administrasyong Duterte.
Nitong Linggo nang ibunyag ng dating Pangulong Duterte na alkalde pa lamang siya ng Davao ay nakita na niya ang pangalan ni PBBM sa drug watch list.
Ani Duterte, may hawak siyang papel at may ebidensiya siya.
Binatikos ni Duterte noong Linggo ang inisyatiba ng mga tao na amyendahan ang Konstitusyon, na inakusahan ang mga Marcos na sinusubukang ipagpatuloy ang kanilang sarili sa kapangyarihan at tinawag si Marcos na “bangag.”
Inakusahan din niya si Marcos na isang adik sa droga at sinabing ang nangyari sa kanyang ama na si Ferdinand Sr. na napatalsik sa kapangyarihan noong 1986 ng People Power Revolution na maaaring mangyari rin sa kanya.