MANILA, Philippines — Bantay-sarado sa pulisya upang hindi makaaalis ng bansa si dating PMaj. Allan De Castro, pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty pageant contestant na si Catherine Camilon, ayon sa police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Magugunita na epektibo nitong Enero 16,2024 nang sibakin sa serbisyo si De Castro at pinalaya mula sa restrictive custody sa Camp Vicente Lim.
Sa pahayag ni CIDG Director PMaj. Gen. Romeo Caramat Jr. na sila ay nakipagkoordinasyon na sa Bureau of Immigration dahil sa posibleng umalis ng bansa si De Castro at hiniling ang hold departure order upang hindi makalabas ang pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon.
Inihayag ni Caramat na ginagawa ng CIDG ang makakaya nito na ma-convict sina De Castro, kanyang driver na si Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does sa kasong kinahaharap nila.
Anang CIDG chief, umaasa siyang aaminin din ni Magpantay ang kanyang partisipasyon sa pagkawala ni Camilon mula pa noong Oktubre 12,2023.
“Sabi ko nga if we could convince other witnesses to come out or itong si Magpantay will turn state witness that will make our case stronger”, pahayag ni Caramat.