Pamilya, 5 nilamon ng apoy
MANILA, Philippines — Limang miyembro ng pamilya ang nasawi matapos makulong sa nasusunog nilang bahay sa Purok-6, Sitio Matagbac, Brgy. Kilicao, Daraga, Albay, kamakalawa ng gabi.
Magkakayakap na natagpuan ng mga imbestigador ng Bureau of Fire Protection-Daraga ang nasunog na bangkay ng mag-asawang Moncris Estipona Neptuno, 35; at Rosalie Masarate Polido, 35, mga anak na isang 9-anyos; 5-anyos kapwa lalaki at isang 11-buwang gulang na babae.
Nakaligtas naman ang panganay na isang 14-anyos na nakitulog sa bahay ng kanyang lola.
Sa ulat, alas-9:00 ng gabi ay nakita na ng mga residente na malaki na at naglalagablab ang apoy sa nasusunog na bahay ng mga biktima na gawa sa kahoy.
Mabilis namang rumesponde ang mga pamatay-sunog makaraang may tumawag sa kanila pero sa bilis nang pagkalat ng apoy ay hindi na nailigtas ang mag-anak.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang BFP-Daraga para matukoy ang pinagmulan at dahilan ng sunog.
- Latest