MANILA, Philippines — Iniutos ni Albay,Polangui Mayor Raymond Adrian Salceda sa mga opisyal ng mga barangay na dinadaanan ng tren ng ‘Philippine National Railways (PNR)’ na magsagawa agad ng malawakang pagturo at paalala sa lahat ng mga naturang barangay upang maiwasan ang mga aksidente matapos mahagip at mapatay ng tren ang 21-anyos na lalaki noong nakaraang Biyernes ng hapon.
Sa isang ‘executive order’ na inilabas ni Mayor Salceda noong Biyernes, inatasan niya ang ‘chairman’ ng mga naturang barangay na magtalaga ng mga tanod na bantayan ang istasyon ng tren sa kanilang mga barangay sa oras ng biyahe ng tren sa lugar nila.
Walong matataong mga barangay ang dinadaanan ng PNR Naga-Legazpi train sa bayang ito — Agos, Matacon, Lanigay, Sugcad, Magurang, Santicon, Apad, at Basud. Ang ilan sa mga ito ay nasa kalagitnaan ng Polangui.
Nagpahayag ng pagkabahala si Salceda sa dalawang aksidente sa tabi ng riles ng tren na kumitil din ng dalawang buhay sa kanilang bayan mula nang binuhay muli ang biyahe ng PNR Camarines Sur-Albay train noong nakaraang taon.
Ang muling pagbubukas ng “PNR Naga-Legazpi train service” ay masigasig na isinulong ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda. Bukod sa higit na murang pasahe at konbeniyenteng biyahe ng mga pasahero at produkto, inaasahan itong lalong magpapasigla sa kabuhayan at ekonomiya hindi lamang ng naturang lungsod kundi ng buong Bikolandia.