Kelot inaresto sa ‘sextortion’
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad sa entrapment operation ang isang lalaki matapos ireklamo ng pangingikil ng 33-anyos na babae na kanyang tinakot na ipakakalat ang hubo’t hubad na larawan sa social media sa Quezon City, kahapon.
Hindi na nakapalag ang suspek na kinilalang si Vicente Nunez, 32, ng Brgy. Kangiras, Hilongos, Leyte nang dakpin ng mga otoridad sa harap ng isang fastfood chain sa Aurora Blvd., alas-12:00 ng tanghali.
Ayon sa biktima na si alyas “Francis,” nakilala niya ang suspek sa social media nitong December 16 na kung saan kinagabihan ay nagyayang makipagkita at may nangyari sa kanila na hindi niya alam na kinunan siya ng video ng suspek.
Sa pahayag ng biktima, nagpanggap ang suspek nang gumawa ito ng Facebook account na may pangalang Jemar Nunez at December 17, nagsimula na maghingi ng pera ang suspek kapalit ng hindi pagpapakalat sa maselang video.
Muling humiling ang suspek sa biktima na makipagkita sa isang motel sa Cubao at magbigay ng pera kung ayaw nitong ilabas ang kanyang mga malalaswang larawan at video.
Nakipagkasundo ang biktima sa suspek hanggang sa kalawitin ng mga otoridad sa harap ng fastfood chain.
Nahaharap ang biktima sa kasong grave coercion at paglabag sa Republic Act 9995, o ang Anti-Photo and Video Voyeurism.
- Latest