Sa pork barrel scam…
MANILA, Philippines — Hinatulang guilty si Senador Jinggoy Estrada ng Sandiganbayan sa ilang bribery case kaugnay ng pork barrel scam.
Sa 396-pahinang desisyon na ibinaba kahapon ng Sandiganbayan 5th Division na panagutin si Estrada sa isang count ng direct bribery at dalawang counts ng indirect bribery dahil sa umano’y maling paggamit ng kanyang pork barrel mula 2004 hanggang 2010.
Samantala, napawalang-sala naman si Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan din sa pork barrel scam.
Abot sa siyam na taon ang pagkakakulong para sa direct bribery habang mababa ang dalawang taong kulong para sa indirect bribery.
Ngunit hindi pa maaaresto si Estrada sa kanyang pag-apela sa desisyon ng anti-graft court.
Pinagbayad din ng Sandiganbayan ng P3 milyon si Estrada dahil sa guilty verdict sa kasong panunuhol.
Matatandaan na inakusahan si Jinggoy ng pagkuha ng abot sa P55-M mula sa kanyang pork barrel kung saan pinadaan umano ito sa mga non-government organization na pagmamay-ari ni Janet Lim Napoles.
Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mananatiling senador si Estrada sa kabila ng kanyang conviction.
Binanggit ni Zubiri na mayroon pa ring mga legal na remedyo na magagamit ni Estrada hinggil sa paghatol sa kanya ng Sandiganbayan 5th Division.
Ayon kay Zubiri, iginagalang ng Senado ang desisyon ng anti-graft court.