MANILA, Philippines — Nasa 47 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang sarili na sila ay mahirap.
Batay sa survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa simula Disyembre 8-11, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 indibidwal na may edad 18 pataas, mas mababa ito kumpara sa 48 porsyento ng pamilyang nagsasabing sila ay mahirap noong 3rd quarter ng 2023.
Ang bilang ng nagsasabing sila ay mahirap ay kumakatawan sa 13 milyong pamilya, mas mababa kumpara sa 13.2 milyon noong Setyembre 2023 at mababa pa rin sa 51 porsiyento ng mga Pinoy na nagsabi na sila ay mahirap noong December 2022.
Bumaba rin sa 32 porsyento ang mga pamilyang itinuturing ang sarili bilang food-poor o katumbas ng 8.9 milyong pamilya.
Kamakailan, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 22.4 porsyento ang poverty rate ng bansa sa unang anim na buwan ng 2023.
Bahagya itong bumaba kumpara sa 23.7 porsyento sa kaparehong panahon noong 2021.