Lisensiyang papel ng LTO posibleng bumalik sa Pebrero
MANILA, Philippines — Posibleng bumalik sa lisensiyang papel ang maipagkakaloob ng Land Transportation Office (LTO) sa mga motoristang kukuha ng driver’s license sa buwan ng Pebrero dahil sa umaabot sa 550,000 ang demand sa plastic card kada buwan.
Sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza, sa ngayon ay umaabot na lamang sa 270,000 ang plastic license na hawak ng ahensiya na maaaring tumagal ng hanggang dalawang linggo na lamang hanggang sa katapusan ng Pebrero ngayong taon.
Sinabi ni Mendoza na nasa Court of Appeals pa ang tungkol sa usapin nang 3.2 milyong plastic cards na hindi pa nadedeliber sa LTO.
Ang usaping ito ay may kinalaman sa pagpapalabas ng TRO ng QC Court nang magreklamo ang ALL Cards Inc. laban sa LTO, DOTr at nanalong bidder ng plastic cards na Banner Plastic Card Inc. dahilan sa umano’y hindi nabigyan ng due process nang i-disqualify sa bidding process kahit pasado siya sa requirements ng Bids and Awards Committee ng DOTr.
Ayon kay Mendoza, kung wala pa ring utos ang korte na maideliber na sa kanila ang kulang na 3.2 milyong plastic cards, maaaring mag-agency to agency procurement sila ng plastic cards pero ito ay dadaan pa sa maraming proseso.
- Latest