PISTON patuloy ang kilos-protesta
MANILA, Philippines — Patuloy ang gagawing kilos-protesta laban sa PUV Modernization ng pamahalaan.
Ito ang naging banta ng jeepney group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kung hindi papabor ang Korte Suprema sa kanilang inihaing petisyon.
Binigyaang diin ni Mody Floranda,pangulo ng PISTON na hindi mangingibabaw ang isang executive order sa isang batas na ibinigay sa kanila ng Kongreso.
Samantala, sinabi naman ng Magnificent 7 na pabor sa PUV Modernization na tatanggapin nila ang mga tsuper na hindi na makakapasada oras na hindi na pahihintulutan ng LTFRB na makapasada ang mga jeep na hindi nag-consolidate.
Nagkakaisang sinabi nina Obet Martin ng Pasang Masda, LTOP president Lando Marquez, Altodap President Boy Vargas at Acto President Libay de Luna na tutulungan ng kanilang hanay na makapagmaneho ang mga tsuper na mawawalan ng pagkakakitaan mula sa grupong PISTON ni Floranda at grupong MANIBELA ni Mar Valbuena.
Sa February 1, sinabi ng LTFRB na considered colorum na ang mga passenger vehicle na hindi nag-consolidate.
- Latest