Pinoy no. 1 ‘hacker of asia’, timbog sa raid

MANILA, Philippines — Nalambat ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Pinoy na tinaguriang Number 1 “Hacker of Asia” na nambibiktima ng mga banyaga sa illegal online activities, sa ginawang pagsalakay sa kaniyang bahay sa Las Pinas City, ayon sa ulat nitong Sabado. 

Sa report kay NCRPO director Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr., ang suspek na kinilalang si Edgar Silvano Jr. ay nadakip ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng  National Capital Region  Police Office (NCRPO) gamit ang search warrant.

 “This is started with the information from an asset, an  informant.. we applied for a search warrant to seize evidences dun sa crime that he  is committing. At one time in 2001 he was dubbed as Asia’s number 1 hacker when he hacked or victimize one financial institution–international institution. In fact he was jailed in Hong Kong during the time,” ani Nartatez sa panayam ng isang TV network.

Nasamsam ang isang 9mm na kalibre ng baril, ilang cellular phones, mga tablet, mga laptop, mga router, at hard drive sa loob ng tahanan ni Silvano.

Nabatid din na noong taong 2016 sa Las Piñas  nadakip na si Silvano ng National Bureau of Investigation (NBI) nang makuhahan ng mga pekeng credit card na may pangalan ng iba’t-ibang tao, laptop at card printer. Ang kaso ay patuloy pa umanong dinidinig sa korte.

Ang mga nasamsam na gadgets ay isasalang sa digital forensic examination para gamiting ebidensya laban sa suspek.

Magsasagawa rin ng financial investigation ang NCRPO  para pagpaliwanagin ang suspek  kung paano nagkaroon ng mga properties sa Laiya, Batangas; Cavite, Siargao, at Makati na  tinatayang higit P100-milyon ang halaga. 

Kabilang din sa kinukuwestyon ang pagkakaroon ng mamahaling sasakyan ng suspek na 8-unit ng big bikes, isang pick-up, at isang sports car.

Makikipag-ugnayan ang NCRPO sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon laban sa suspek.

Show comments