2.8 milyon deboto lumahok sa Traslacion 2024 - NCRPO
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa 2.8 milyong deboto ang lumahok sa Traslacion ng Itim na Nazareno kahapon.
Ito ang iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Public Information Office kung saan ala-1:00 ng hapon ay dumagsa sa Traslacion ang nasa 2,807,700 deboto sa Quirino Grandstand, Traslacion procession at Simbahan ng Quiapo.
Kaya naman umaabot sa 18,000 pulis ang ipinakalat ng PNP sa iba’t ibang lugar upang matiyak ang seguridad ng mga deboto at ruta ng Nazareno.
Ayon sa NCRPO, muling nanumbalik ang panata ng mga deboto ng Itim na Nazareno matapos ang tatlong taong pagkakatigil dahil sa COVID-19.
Kasabay nito, wala namang naitalang malalang krimen sa Pista ng Itim na Poong Nazareno.
Umalis ang imahe ng Black Nazarene sa Quirino Grandstand alas-4:45 ng madaling araw.
Unang iniulat ng opisyal ng Simbahan ng Quiapo na umabot sa isang milyong deboto ang dumagsa sa Traslacion 2024 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga.
- Latest