Manok, poultry products mula Belgium, France bawal sa Pinas

MANILA, Philippines — Ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng manok at iba pang poultry pro­ducts mula Belgium at France sa gitna ng outbreak ng bird flu sa mga nasabing bansa.

Sinabi ng DA na ang poultry ban ay ipinalabas kasunod ng pag-uulat ng Belgium at France ng kani-kanilang outbreaks sa Highly Pathogenic Avian In­fluenza (HPAI) sa domestic birds sa World Organization for Animal Health (WOAH).

Tinuran pa ng departmento na ang Belgium at France ay halos magkasabay na nag-ulat ng bird flu outbreak sa domestic birds sa WOAH.

Sa katunayan, isinumite ng Belgium ang report nito noong Dis­yembre 1, 2023, habang ang France naman ay nagsumite noong Nob­yembre 30, 2023.

Winika ng Agriculture Department na ang pagbabawal sa poultry at poultry products mula sa dalawang nabanggit na bansa ay kailangan para mapigilan ang posibleng pagpasok ng HPAI-H5N1 sa Pilipinas.

“We’re doing this to protect the health of our local poultry population as well as poultry wor­kers and consumers since H5N1 is a virus that can be transmitted to humans by infected animals,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel.

Sakop ng ‘ban’ ang pagkuha sa kapwa domestica­ted at wild birds at maging ng poultry products kabilang na ang “poultry meat, day-old chicks, hatching eggs, at poultry semen” mula sa Belgium at France simula pa nito lamang Enero 8, 2024.

Show comments