Gobyerno, Simbahan handa na sa Traslacion

MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ng Traslacion na pangunahing tradisyon sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong Martes na inaasahang dadaluhan ng milyong mga deboto ay kumpiyansa ang pamahalaan at ang Simbahang Katolika na sapat na ang kanilang mga naging paghahanda.
Muling sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief, General Benjamin Acorda Jr. na wala silang natatanggap na banta sa okasyon na kung saan ay nasa kabuuang 15,555 tauhan ng gobyerno kabilang ang mga pulis, mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at iba pang ahensya ang ikakalat.
Nagtayo naman ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng “field hospital” sa may Kartilya ng Katipunan upang dito dalhin ang lahat ng mananampalataya na magkakasakit o masasaktan sa Traslacion.
Maninita umano ang lokal na pamahalaan sa mga deboto na walang suot na face mask kasabay ng pagbibigay nila sa mga walang suot nito.
Kahapon, nagsagawa na rin sila ng pagbubungkos sa mga nakalawit na mga kawad ng kuryente sa mga ruta na daraanan ng Traslacion, bukod pa sa naunang paglilinis at pagkukumpuni sa mga kalsada.
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magkakaroon ng “signal jamming” sa Traslacion kaya humingi siya ng pang-unawa sa publiko dahil para sa kaligtasan na rin ito.
- Latest