MANILA, Philippines — Isang magtatay ang napatay nang barilin ng isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary (CAA) na umawat sa kanila sa isang away sa Negros Occidental, kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang mag-amang sina Godofredo Templatura, 70, at anak na si John Albert, 32 habang sugatan sina Marites Rafol, 49, at Jeisel Abaño, 34, na kapwa tinamaan ng ligaw na bala.
Sa ulat ni Moises Padilla chief of Police, PMajor Jovito Bose, Moises Padilla, nangyari ang insidente, alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Montilla, Moises Padilla, Negros Occidental nang may makaaway si John Albert habang nakikipag-inuman kasama ang ama.
Humingi nang tulong ang barangay chairman sa CAFGU detachment nang magpatuloy ang komosyon sa pagitan ni John Albert at hindi pa tukoy na kaaway.
Dito na dumating si Donan Sosia, 32, ng Barangay Macagahay, Moises Padilla, at nakatalaga sa 2nd Platoon, 32nd Negros Occidental CAA, Delta Company, ng Army 62nd Infantry Battalion.
Kinausap at inawat ni Sosia si John Albert, subalit tinangka ng huli na tagain ang una kaya napilitan ang suspek na paputukan si John Albert. Hahabulin naman ni Godofredo si Sosia, subalit pinaputukan na rin siya ng suspek.
Nabatd kay Bose, madalas magwala ang mag-ama tuwing nasa nalalasing.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Sosia at nakuha rin dito ang M16 service firearm at bandolier na may pitong loaded magazines.
Kasong two counts ng murder at two counts ng attempted murder ang isasampa laban kay Sosia dahil na rin sa umano’y “excessive use of force ”.