MANILA, Philippines — Hindi na maaaring makasampa o makaakyat ang mga deboto sa andas ng Nazareno ngayong taong ito.
Ito ang sinabi ni Fr. Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Nazareno 2024, may maliit na pagbabago sa bagong andas na gagamitin sa Pista ng Nazareno.
Aniya, ang andas na gagamitin ay mayroong salamin para mapanatili na ang Nazareno lamang ang nakikita sa ibabaw ng andas.
“Ang ating pagpapanumbalik ay yung dating paraan, pagdiriwang na kung saan higit na nakikita sa ibabaw ng andas ang imahe ng Nazareno dahil ang pagdiriwang na ito ay hindi tungkol sa atin lang mga deboto. Higit sa lahat ito ay tungkol sa Nazareno kaya siya ang ating ipakita muli sa mga tao,” wika ni Magdurulang.
Sinabi pa nito na meron pa ring pagkakataon yung mga nagbabato ng panyo, nagpapahid ng bimpo dahil merong 8 hijos sa ibabaw ng andas na nasa labas ng salamin at halos ulo lamang nila ang kita sa ibabaw ng andas para higit pa ring makita ang imahen ng Nazareno lalo na yung nasa malalayong lugar.
Ayon sa tagapagsalita, maaaring umabot sa 22 milyon ang mga deboto mula sa nobenaryo mula Disyembre 31 hanggang Enero 10, 2024.
Pinaalala rin niya sa mga deboto na papasok sa simbahan na magdala ng face mask at alcohol.