MANILA, Philippines — Ibinalik na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga, at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa National Capital Region (NCR).
Sa ilalim nito, bawal bumiyahe ang mga sasakyan sa mga lansangan ng Metro Manila batay sa huling digit ng license plates sa nasabing coding hours.
Ang mga plakang nagtatapos sa 1 at 2 ay sakop ng coding tuwing Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes at 9 at 0 tuwing Biyernes.
Exempted naman sa coding ang mga pampublikong sasakyan, transport network vehicles services (TNVS), motorsiklo, truck ng basura, marked government vehicle, truck ng petrolyo, marked vehicle ng media, truck ng bumbero, ambulansya, at sasakyang may dalang mga perishable at/o essential goods.