Usok mula sa paputok delikado
Magsuot ng face mask - DOH
MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng face mask dahil maaaring makasama sa kalusugan ang “trapped” air pollution at usok mula sa mga paputok sa ilang lugar matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
“‘Yung usok na nararanasan at nakita niyo kaninang umaga, ang paliwanag ng PAGASA diyan ay ‘yung temperature inversion kaya nata-trap ‘yung smoke at polusyon. Ito ay nangyayari sa unang oras sa umaga at ‘pag ang cool air ang siyang kusang nasa taas na rin po, kusang mawawala na rin ‘yan,” wika ni DOH Undersecretary Eric Tayag.
Sinabi ni Tayag na maaaring makasama sa mga may hika at maging sa vulnerable children ang exposure sa usok.
“Kung paulit-ulit ‘yan na maapektuhan ang ating baga, doon sa may hika ay maaaring magkaron ng sumpong sa hika nila.May gamot naman sila,” anang opisyal.
“Sa mga bata,‘yan ay delikado sapagkat may ibang bata na mahina pa ang kanilang paraan para ma-detoxify ‘yan at baka mauwi ito sa pneumonia,” dagdag ni Tayag.
- Latest