294 ex-MILF at MNLF members nanumpa bilang bagong pulis
MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit 200 mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) ang pawang mga bagong miyembro ngayon ng Philippine National Police.
Ito ay matapos ang isinagawang oath-taking at turnover of ceremony kamakalawa para sa mga dating miyembro ng naturang mga liberation front bilang bagong recruit sa kapulisan na ginanap naman sa Camp Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte sa pangununa ni Department of Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr.
Mula sa naturang bilang, 255 na mga lalaki at 39 na mga babaeng dating kaanib ng MILF, at MNLF ang nanumpa bilang bagong mga pulis sa ilalim ng recruitment program nito.
Ang kabuuang 294 na mga bagong pulis na ito ay itatalaga sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) para punan ang nasa 400 slots na inilaan para sa MILF at MNLF Recruitment Program para sa CY 2023.
Ayon kay Abalos Jr., chairman din ng National Police Commission (NAPOLCOM), mahalaga ang okasyon na sinaksihan ng daan-daang manonood na nagtipon sa bakuran ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Headquarters.
Nanawagan din ang DILG chief sa mga pinakabagong recruit ng PNP na huwag sumuko at manatiling matatag sa gitna ng mga hamon na kanilang haharapin habang sila ay sumasailalim sa pagsasanay at paghahanda para sa deployment sa BARMM.
- Latest