Biktima ng paputok 96 na
MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na babae mula sa Central Luzon ang nawalan ng pandinig pagkatapos masabugan nang malapitan ng kwitis (sky rocket).
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) na unang kaso ng “hearing loss” matapos sumirit sa 96 ang bilang ng fireworks-related injuries sa buong bansa kahapon, isang araw bago ang Bagong Taon.
“Fireworks can lead to hearing loss.Firework explosions result in sound levels of 140-150 decibels (dB), which can lead to pain and ear injury after exposure,” ayon sa DOH.
Sa naturang ulat, walong kaso ng naputukan ang nadagdag sa talaan na may edad 5-49 taong gulang at karamihan ay mga lalaki.
Masuwerteng walang naiulat na naputulan ng daliri o kamay sa naturang mga insidente.
Samantala,inihayag naman ng Philippine National Police (PNP) na 12 katao ang nasakote ng mga otoridad sa paggamit, pagtatago at pagbebenta ng illegal na paputok sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa PNP, nasa 28,754 mga paputok na nagkakahalaga ng P244,130 ang kanilang nakumpiska at kabilang dito ang 19 piccolo, 187 poppop, 9,762 five stars, 4,661 plapla, 101 giant bawang, 24 judas belt, 87 mother rockets.
Gayundin ang 2,556 kwitis, 7,005 sawa, 370 roman candles, 78 kingkong, at 3,874 iba pa.
Patuloy naman ang operasyon ng PNP laban sa mga ipinagbabawal na paputok.