Inakalang kendi
MANILA, Philippines — Naitala kahapon ng Department of Health ang kauna-unahang kaso ng pagkalunok ng isang 4-anyos na bata ng watusi ngayong taon.
Dahil dito, umakyat na sa 88 ang fireworks-related injuries ilang araw bago ang Bagong Taon.
Ayon sa DOH ang 4-anyos na batang lalaki mula sa Calabarzon ay aksidenteng nakalunok ng watusi sa loob ng kanyang bahay na inakalang kendi ito.
Nakamamatay ang watusi. May taglay itong Yellow Phosphorus, Potassium Chlorate, Potassium Nitrate at Trinitrotoluene (TNT),” ayon sa advisory ng DOH.
Kapag nakalunok ang isang bata ng watusi, pinayuhan ng DOH ang mga magulang o guardian na agad na dalhin sa emergency room ng pagamutan ang pasyente.
Sa oras na makalunok ng watusi, inaabisuhan ng DOH ang publiko na uminom ng anim hanggang walong puti ng itlog para sa mga bata, at 12 para sa matatanda. Dapat din na kagyat dalhin sa emergency room ang biktima.
Kung sa mata naman mapupunta ang watusi, sinabi ng DOH na dapat itong hugasan nang tuloy-tuloy sa loob ng 15 minuto, panatilihing bukas ang mata at magpakonsulta sa doktor.
Dapat ding hugasan ang apektadong lugar sa balat sa loob ng 15 minuto, alisin ang kontaminadong damit at magtungo sa ospital.
Sa tala ng DOH, ang 13 bagong kaso ng fireworks-related injuries ay iniulat mula alas-6 ng umaga nitong Miyerkules, hanggang 5:59 a.m. ng Huwebes. Sa nasabing mga kaso, 10 ang lalaki at 12 ang nangyari sa bahay at kalsada.
Lima naman ang nasaktan dahil sa pinagbabawal na paputok na may edad lima hanggang 49.
Karamihan sa mga kaso ay nagmula sa National Capital Region sa 31, sinundan ng Central Luzon sa 11, at Ilocos sa 10.
Karamihan sa mga insidenteng ito ay dahil sa boga, five star, piccolo, at pla-pla na mga ipinagbabawal na paputok.
Sa kabuuang 88 na fireworks-related injuries, 52 ang dahil sa illegal firecrackers.