Biktima ng paputok sumampa na sa 52 - DOH
MANILA, Philippines — Sumampa na sa 52 katao ang biktima ng paputok na kung saan sa kanilang Alerto: Iwas Paputok, Iwas Amputation ay naitala ang limang kaso ng traumatic amputations dahil sa paputok.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) at kabilang dito ang tatlong (3) menor-de-edad at dalawang (2) matatanda, pawang mga lalaki, mula sa buong bansa.
Pangunahing sanhi ng mga ito ang ilegal na boga, Plapla, Five-star, at Goodbye Philippines fireworks, at ang legal na whistle bomb.
Mula alas-6:00 ng umaga nitong Disyembre 25 hanggang alas-5:59 ng umaga ngayong Disyembre 26 ay nagpakita ng dalawampu’t apat (24) na bagong kaso ng mga pinsalang nauugnay sa paputok, mula 5 hanggang 52 taong gulang na kinasasangkutan ng isang babae lang.
Dalawampu’t dalawa (22, 92%) ang naganap sa bahay o kalapit na mga kalye. Dalawampu’t isa (21, 88%) ang aktibong nasangkot, na may labing-anim (16, 67%) ng mga paputok ay ilegal.
Sa kabuuang bilang na 52 kaso, ang NCR (20, 38%) at Regions III (6, 12%) at XII (5, 10%) ay nag-aambag sa anim sa bawat 10 kaso.
- Latest