6-anyos bata patay, tatay sugatan sa sunog

MANILA, Philippines — Malungkot na sasalubungin ng isang pamilya ang araw ng Pasko matapos na masawi ang isang 6-anyos na batang lalaki nang masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Cupang, Antipolo City, Rizal, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si Austin Pelominor, residente ng Zone 9, Lower Villa Grande ng nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-9:20 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa tahanan ng biktima na kung saan ay nakulong ang bata na sandaling iyon ay mahimbing na natutulog habang nasa labas ng bahay ang mga magulang.

Naipit ang biktima sa loob ng nasusunog na tahanan at hindi na nakalabas at nasugatan ang ama nito na si Mang Alberto nang tangkain na pasukin ang nasusunog nilang bahay.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago ito naapula ng mga bumbero, alas-11:01 ng gabi na kung saan ay 40 bahay ang naapektuhan at nasa 10 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Antipolo na posibleng kandila ang nagdulot ng apoy dahil walang kuryente ang bahay ng biktima.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ang BFP sa insidente.

Show comments