Road tragedy sa Kapaskuhan
MANILA, Philippines — Malungkot ang Pasko ng ilang pamilya matapos masawi ang lima katao habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang isang 12-wheeler flat bed truck at kasalubong na Asian Utility Vehicle (AUV) habang bumabagtas sa Maharlika Highway sa Brgy. San Vicente, Sto. Tomas City, Batangas kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Sto. Tomas City Chief of Police P/Lt. Rodel Ban-o, naitala ang sakuna dakong alas-2:50 ng madaling araw malapit sa bagong bukas na mall sa Sto. Tomas kung saan nagdulot ito ng limang oras na pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa southbound lane.
Ayon kay Ban-o ang AUV na isang Innova ay galing Catarman, Northern Samar at patungong Nueva Ecija nang makabanggaan ang isang truck sa bahagi ng southbound area ng naturang highway.
Lumalabas na nakaidlip umano ang driver ng AUV na nagbunsod upang sumalpok sa kasalubong na truck.
Ayon kay Ban-o, lubhang nakakapanlumo na ang mga limang nasawi at nasugatan ay pawang mga lulan ng AUV. Ang mga sugatan ay isinugod sa St. Cabrini hospital para malapatan ng lunas.
Kinilala lamang ang mga nasawi sa mga pangalang Carmelito, 66-anyos; Annie, 59; pawang ng Gen. Tinio, Nueva Ecija; Albert, 62; Myrna, 62; kapwa ng Dinalungan, Aurora at Mikka, 27 taong gulang.
Sinasabing kabilang sa mga nasawi ay mga magulang umano ni PTV 4 reporter Karmela Anne Lesmoras.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatan na sina Josefina at Ros; kapwa 65-anyos at isa pang ‘di natukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon sa mga testigo, mabilis na tumakas ang driver ng truck na tinutugis na ng pulisya.