MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na tukoy na ng pulisya ang taxi driver sa viral video na naningil ng P10,000 bawat isa sa mga pasahero niyang Taiwanese nationals kahit na napakaiksi lamang ang ibiniyahe mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukod sa taxi driver, natukoy na rin nila ang pagkakakilanlan ng operator nito.
Bukod sa paghahain ng mga kaukulang kaso, pagbabawalan na ang transport operator na magserbisyo sa NAIA.
Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operation ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) laban sa naturang taxi driver. Hindi pa siya nakikita at maaaring nagtatago na sa kaniyang probinsya.
Ngunit umaasa si Bautista na tuluyan siyang madadakip o kusang susuko sa oras na matapos ang imbestigasyon. Wala pa namang detalye ukol sa kasamahan ng tsuper na siyang nag-abot ng rate card sa mga pasaherong Taiwanese.
Sa orihinal na post, isang security guard ng NAIA ang nagdala sa mga pasaherong Taiwanese sa taxi driver. Ini-lock umano ng taxi driver sa loob ng sasakyan ang mga pasahero nang tumanggi na magbayad ng P10,000 bawat isa na naibaba sa P5,000.