3 pulis sinibak sa pagpapakalat ng crime video ni Ronaldo Valdez
MANILA, Philippines — Sinibak sa pwesto ang 3 pulis ng Quezon City Police District (QCPD) na sangkot umano sa pagpapakalat ng crime scene video ng nasawing aktor na si Ronaldo Valdez.
Ito ang inanunsyo ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na kinilalang sina Police Senior Master Sergeant Wilfredo Calinao; Police Corporal Romel Rosales; at Police Lieutenant Colonel Reynante Parlade, ang Station Commander ng Police Station 11.
Sasampahan ang 2 pulis ng paglabag sa Data Privacy Act at Irregularity in the Performance of Duty; habang nadawit dahil sa command responsibility si Parlade.
Kasalukuyang nasa holding and accounting unit ng QCPD ang mga ito at posible namang maharap sa paglabag sa Anti-Cybercime Law ang 3 sibilyan na iniimbestigahan na nagpakalat pa ng video.
Samantala,humiling naman ang PNP sa publiko na kung sakaling may iba pang video na tungkol sa crime scene ay huwag na itong pagpasa-pasahan bilang respeto sa naiwang pamilya ni Valdez.
Magugunita na si Valdez, 76, ay natagpuang wala nang buhay sa tahanan nito sa New Manila, Quezon City noong Disyembre 17 ng hapon.
Una nang lumutang ang anggulo ng suicide sa pagkamatay ni Valdez pero di ito kinukumpirma ng PNP habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
- Latest