MANILA, Philippines — Dahil hindi umuubra ang “traditional na pamamaraan ng diplomasya” sa China kaya’t isang “paradigm shift” sa paghawak sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) ang gagamitin.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. na tinitingnan na ng Pilipinas sa isang panayam sa Japanese media nitong Sabado.
Binigyang-diin ni Marcos na panahon na para sa gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng bagong paraan kung paano haharapin ang China dahil lumilitaw na ang kasalukuyang mga pamamaraan ay halos hindi umuusad.
“We have to do something what we have not done before. We have to come up with a new concept, a new principle, a new idea so that we move, as I say, we move the needle the other way. It’s going up, let’s move the needle back, so that paradigm shift is something that we have to formulate,” wika ni Marcos.
Ipinunto ni Marcos na hindi gaganda ang sitwasyon sa WPS kung magpapatuloy ang pakikitungo ng Pilipinas sa China tulad ng pagharap nito sa kasalukuyang sitwasyon sa karagatan.
Ang Pilipinas ay gumawa ng tatlong legal na hakbang tulad ng paghahain ng diplomatikong protesta sa Chinese Ministry of Foreign Affairs, pagpapatawag ng Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at paggawa ng “demarche sa Chinese Ministry of Foreign Affairs officials” para tawagan ang China Coast Guard (CCG).
Kinanyon ng tubig ng Chinese naval assets ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kamakailan.
Sinabi rin ni Marcos na kailangang mabilis na kumilos ang Pilipinas sa pagharap sa China sa WPS dahil naaapektuhan na nito ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.