‘Oplan pasaway’ ikinasa vs colorums, isnaberong taxi drivers
MANILA, Philippines — Magsasagawa ng crackdown ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga colorum na Public Utility Vehicles (PUVs) at maging mga isnaberong taxi drivers ngayong ‘holiday rush’ dahil sa mga bumabahang reklamo ng mga pasahero.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nakatanggap sila ng sangkaterbang mga reklamo laban sa mga colorum na PUVs at mga isnaberong taxi drivers na namimili ng mga pasahero kaya agad niyang ipinag-utos ang pagsasagawa ng “Oplan Pasaway”.
Nabatid na ang mga tauhan ng LTOs Law Enforcement Service ay idedeploy sa mga malls sa Metro Manila kung saan dagsa ang mga nagsasagawa ng “Christmas shopping” at maging sa mga urban areas na dinaragsa ng mga mamimili at mga namamasyal.
Sinabi ni Mendoza na karaniwan ng dumaragsa ang mga reklamo sa kanilang tanggapan tuwing nalalapit ang pagdiriwang ng Kapaskuhan kung saan marami sa mga taxi drivers ang hindi nagpapasakay at nangongontrata.
Aniya, dahilan sa dami ng pasahero tuwing panahon ng Pasko ay ito rin ang panahon kung saan nagsusulputan ang napakaraming colorum na public utility vehicles at ito rin ang ipinag-utos niya na matuldukan.
Hinikayat din ng opisyal ang publiko na ireport sa mga otoridad ang insidente kung nabiktima sila ng mga isnaberong taxi driver at maging ng mga colorum na behikulo.
Umapela si Mendoza sa netizen na tumulong para mawakasan ang nasabing maling sistema upang maiwasan ang pasaway at abusadong taxi driver at driver ng mga colorum na PUVs na makapambiktima ng kawawang mga pasahero.
- Latest