‘Kabayan’ nanghina pagtama sa lupa
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na humina na ang bagyong Kabayan na isa na lamang tropical depression matapos itong mag-landfall sa Brgy. Concepcion, Manay, Davao Oriental.
Batay sa 11 a.m. cyclone update na ipinalabas ng SDT, si Kabayan na ang international name ay Jelawat ay nag-landfall ganap na alas-9:30 ng umaga sa nasabing lugar. Sa kasalukuyan ay nakataas ang Signal No. 1 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang tropical depression ay nanatili pa sa bisinidad ng Caraga, Davao Oriental. Taglay nito ang lakas ng hangin na nasa 55 kilometro kada oras at may bugso ng hangin na nasa 90 kph.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Southern Leyte, Leyte, katimugang bahagi ng Samar, timog na bahagi ng Eastern Samar, Cebu kabilang ang Camotes Islands, Bantayan Islands, Bohol, Siquijor, Negros Oriental, Negros Occidental at ang lalawigan ng Guimaras.
Sa rehiyon ng Mindanao ay Signal No. 1 rin sa Misamis Oriental, Camiguin, Bukidnon, Davao de Oro, hilagang bahagi ng Davao Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Davao del Norte, Davao City, hilagang bahagi ng Cotabato, hilagang bahagi ng Maguindanao, kanluran at bahaging sentral ng Zamboanga del Norte, hilaga at sentral na bahagi ng Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Agusan del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Sur.
Ayon sa PAGASA matapos ang landfall, inaasahang tatahak naman si Kabayan sa bulubunduking bahagi ng Mindanao bago ito tumungo sa Sulu Sea.
- Latest