MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employers hinggil sa ipinaiiral na pay rules para sa Disyembre 26, 2023, na deklarado bilang special non-working holiday.
Inilabas ng DOLE ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023, na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day gaya ng naturang petsa.
Nabatid na nilagdaan ito ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong Disyembre 14, alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa Disyembre 26, bilang special (non-working) day sa buong bansa.
Batay sa naturang labor advisory, ipatutupad ang “no work, no pay” sa nasabing araw, maliban na lamang kung ang kumpanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran naman ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho.
Ang empleyado naman na nag-overtime para sa nasabing araw ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.
Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day, na natapat sa araw ng kanyang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras.