Trak ng paputok sumabog sa bus terminal, 2 patay
MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang lima ang nasugatan nang sumabog ang mga paputok na lulan ng isang cargo truck na nakaparada sa isang bus terminal na nagresulta sa pagsiklab ng sunog sa Marikina City kahapon ng umaga.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga namatay at nasugatang biktima.
Sa inisyal na ulat ng Eastern Police District (EPD), alas-9:24 ng umaga nang maganap ang insidente sa BFCT East Metro Transport Terminal, na matatagpuan sa Barangay Calumpang, Marikina City.
Sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, galing Taytay, Rizal ang truck at pumarada lang sa terminal para magpahinga ang driver at pahinante nito, nang mangyari ang insidente.
Ayon sa isa sa mga saksi, bago ang insidente ay kausap pa niya ang dalawang biktima.
Naupo umano siya ngunit matapos ang ilang segundo ay bigla nang sumabog ang truck.
Tinamaan aniya ang mga biktima ng siding ng truck nila.Nasunog din ang isang bus na walang pasahero at isang closed van.
Ayon kay EPD Director PBGEN Wilson Asueta, firecrackers na nasa loob ng cargo truck ang sanhi ng pagsabog.
Dagdag pa niya, posibleng itinatago ng mga ito ang mga paputok sa loob ng truck dahil walang permit ang mga ito.
Masusi na umano nilang iniimbestigahan ang insidente upang malaman ang pinagmulan ng mga paputok na sanhi ng pagsabog.
- Latest