MANILA, Philippines — Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na itaas ang teaching supply allowance ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Mula sa kasalukuyang P5,000 ang taunang allowance ng mga guro ay itataas sa P7,500 sa School Yea 2024-2025 at gagawing P10,000 sa mga susunod na school year.
Ang House Bill (HB) No. 9682 o ang panukalang “Teaching Supplies Allowance Act” ay inaprubahan sa botong 247 pabor sa sesyon ngayong araw. Walang tumutol sa pagpasa ng panukala.
“This much-needed allowance for teachers is long overdue, and by passing this relevant bill, we hope to strengthen our commitment to the welfare of our public teachers,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sa ilalim ng Section 4 ng HB 9682, ang allowance ay magagamit ng mga guro sa pagbili ng mga bagay na kailangan sa kanilang pagtuturo. Ang kakailanganing pondo sa ibibigay na allowance ay isasama sa taunang budget ng Department of Education (DepEd).
Noong Mayo ay inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 1964, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na nagtataas din ng allowance ng mga guro sa P10,000. Sa kasalukuyan, ang mga guro sa pampublikong elementarya at high school ay nakatatanggap ng tig-P5,000 teaching supplies allowance.
Ang mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Roman T. Romulo, Joey Sarte Salceda, Elizaldy S. Co at iba pa.