MANILA, Philippines — Apat na menor de edad na pawang magpipinsan ang namatay sa sunog sa Sitio Lati, Barangay Talaba II, Bacoor City,Cavite kahapon ng madaling araw.
Tumanggi pang pangalanan ng mga otoridad ang apat na bangkay na pawing sunog na ang buong katawan na natagpuan sa iisang bahay.
Batay sa ulat, nag-umpisa ang sunog nitong Biyernes ng madaling araw at itinaas ang unang alarma, alas-3:05 ng madaling araw.
Nahirapan umanong makapasok ang mga bumbero dahil sa makitid at madilim ang daanan patungo sa nasusunog na mga bahay.
Personal na nakita ni Kagawad Beth Tertona ang sunog na katawan ng dalawang bata.
“So far daw po, ang nasa labas lang dalawa, kasama sa tatlo. May hinahanap pa po siyang kapatid niya at tsaka yung isang ate niya daw. Pero yung dalawang pamangkin, pagtawag po ng bumbero, nakita na natin agad yung casualty. Di’ muna natin malalabas kasi halos di mo na marecognize yung body ng mga bata,” sabi ni Tortona.
Si Jomari Organo naman, hinahanap ang kaniyang dalawang nawawalang anak na isang 8-anyos at 6-anyos na mga bata.
Idineklarang “fire under control” ng Bureau of Fire Protection ang sunog pasado alas-5:21 ng madaling araw.
Tinatayang 70 na kabahayan ang natupok at aabot sa 86 na pamilya ang naapektuhan ng nasabing sunog at kasalukuyang namamalagi sa Talaba 4 Elementary School.