MANILA, Philippines — Inihayag ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na may 90 porsiyento ng operasyon ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila at karatig lalawigan sa pagsisimula kahapon ng 2 araw na tigil-pasada ang nalumpo.
Ayon sa PISTON, ilan sa mga lugar sa Metro Manila na kanilang naparalisa sa unang bugso ng tigil pasada kahapon ay ang Avenida sa Maynila, Navotas, Monumento Caloocan, Pasay, Baclaran, Pasig, Bagong Bayan Taguig, Sucat Paranague, Las Piñas, Novaliches, Litex, Philcoa, kahabaan ng Quezon Avenue at UP sa Quezon City gayundin sa lugar sa mga lalawigan partikular na sa Cavite area.
Sinabi ni Steve Ranjo, deputy Secretary General ng PISTON, pitong protest center ang kanilang inilatag sa Metro Manila na ang isa ay sa harapan ng main office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East avenue sa Quezon City upang ipanawagan sa gobyerno ang kanilang demands na hindi pa rin inaaksyonan ng pamahalaan hanggang sa kasalukuyan.
Anya pinangako na sa kanila ng LTFRB noong November protest nila na aaksyunan ang kanilang demands, pero nananatiling nakabitin ito at walang implementasyon at puro pangako lamang.
Hirit ng PISTON na maibasura ng gobyerno ang PUV consolidation o pagsasama samahin ang mga pampasaherong sasakyan sa isang kumpanya o kooperatiba, pagbasura sa PUV Modernization, pagtigil sa pag-phase out sa mga traditional jeep at 5 year extention ng PUV franchise at pag-aalis ng fines and penalties sa sale and transfer ng mga sasakyan.
Binigyang diin ni Ranjo na tanging ang pag-aalis ng fines and penalties sa sale and transfer ng mga sasakyan ang naipagkaloob ng LTFRB pero ang mga pinaka major demands ay patuloy na ipinagkakait sa kanila ng pamahalaan.
Bagamat nagdesisyon ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na wala nang extention ang PUV consolidation o hanggang December 31 ngayong taon na lamang ang deadline, dapat pag-aralan ng gobyerno na mapalawig pa ito ng isang taon.