Mga babaeng club workers target ng illegal recruiters
MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nag-o-operate sa mga bar sa bansa ang mga iligal na recruiters na target ang mga babaeng club workers.
Ito ay makaraang masabat ng mga immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isang babae na biktima ng illegal recruitment.
Una niyang sinabi na magbabakasyon siya sa Hong Kong ngunit inamin din na peke ang mga dokumento niya.
Ayon sa biktima, na-recruit siya ng nitong Disyembre 9 ng isang babae na nakilala niya sa loob ng isang bar. Iniabot lamang umano ang kaniyang mga travel documents noong gabi bago ang kaniyang iskedyul ng biyahe at hindi na niya ito makontak pa.
Magtatrabaho sana siya bilang club freelancer sa Malaysia at Singapore at magtutungo ng Hong Kong para sa pag-renew ng kaniyang visa.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na halimbawa lamang ito ng mga taktika ng mga illegal recruiters para maloko ang mga toridad at mapariwara ang mga kababayan na nais ng trabaho sa ibang bansa.
Ipinasa na ang naturang pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa dagdag na imbestigasyon.
- Latest