48% ng Pinoy umaasang aayos ang buhay sa 2024 - survey
MANILA, Philippines — Nasa 48 porsiyento na mga Pilipino ang umaasa na bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, habang 40 porsiyento naman ang nagsasabing hindi ito magbabago.
Habang anim na porsiyento naman ng mga Pilipino ang naniniwalang mas lalala ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan at ang natitirang 7 porsiyento naman ay hindi tumugon.
Ito’y batay sa lumabas na resulta ng on-commissioned quarterly survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Setyembre 2023 na inilabas noong Martes.
Sinabi ng SWS na nagresulta ito sa net personal optimism score na +42, na inuri bilang ‘excellent’.
Halos kapareho ang naging resulta ng survey dahil nakakuha ito ng markang ‘excellent’ na may +41 na marka noong Hunyo 2023.
Ang 1-point na pagtaas sa national net personal optimism score sa pagitan ng Hunyo at Setyembre ay dahil sa pagtaas ng Balance Luzon at Mindanao, na sinamahan ng pagbaba sa Metro Manila at Visayas, ayon sa SWS.
Kung ikukumpara sa mga resulta ng survey noong Hunyo, ang net personal optimism ay nanatiling ‘mahusay’ sa Balance Luzon, tumaas ng 6 na puntos mula +44 hanggang +50.
Ang iskor sa Mindanao ay tumaas mula sa ‘very high’ hanggang sa ‘excellent’ mula +36 hanggang +43.
Ang marka ng Metro Manila, gayunpaman, ay bumaba mula sa ‘excellent’ hanggang sa ‘very high’, bumaba ng 11 puntos mula +41 hanggang +30.
Nanatiling ‘very high’ ang score sa Visayas, ngunit bumaba ng 9 na puntos mula +39 hanggang +30.
Isinagawa ang nasabing survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, 2023, gamit ang face-to-face interviews ng 1,200 adults sa buong bansa.
Mayroon itong mga sampling error margin na ±2.8% para sa pambansang porsyento, at ±5.7% bawat isa para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
- Latest